Kris, malala na, kailangan ng prayers!
MANILA, Philippines – Sa mga fans at tagasubaybay ni Kris Aquino, kailangan ng inyong idolo ng mas matinding panalangin na makapagpagamot siya sa Amerika para sa mga na-identify nang malalala n’yang karamdaman na pwedeng makaputol na ng kanyang buhay.
Hindi po ito fake news. Mismong si Kris ang nagpahayag tungkol sa malala na n’yang kundisyon. Ipinagtapat n’ya ito sa kanyang Instagram (@krisaqiino) ngayong Lunes.
Malala na umano ang tatlong sakit n’ya na pinangalanan ng mga doktor n’ya na “chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, and late stage 3 of Churg Strauss Syndrome or inflammation of blood vessels.”
Mismong ang mga doktor n’ya umano ang nagsabi sa kanya na ang mga iyon ay “life threatening” illnesses.
Pagtatapat ni Kris: “Mula end of April, we found out life threatening na ‘yung illness ko. They are all worried about organ damage in my heart and in my lungs.”
Bagama’t malala ang mga karamdaman n’ya, hindi po siya paralisado sa kama. Nakakaupo po siya at nakakapagbasa, nakakapagsulat, at nakakausap.
Umaasa siyang makakapunta siya sa Houston, USA para du’n siya magamot nang lubusan. Du’n lang daw kasi approved ng Food and Drug Administration ang mga gamot na kailangang-kailangan n’ya. Kahit umano sa Singapore na malapit lang sa Pilipinas at kung saan may world-class medical centers ay ‘di pa FDA-approved ang mga kailangan n’ya.
Alam ni Kris na kahit na gaano kaseryoso ang mga ipino-post n’ya sa kanyang social media, posibleng ma-bash pa siya ng mga netizen na ‘di natutuwa sa kanya. Ang pakiusap n’ya sa kanila ay huwag na lang sa sarili n’yang page siya i-bash kundi sa sarili na nilang Instagram na ‘di mababasa ng mga anak n’yang sina Josh at Bimby at makakadagdag pa ng anxiety ng dalawang bata.
Sana naman ay pagbigyan siya ng mga basher n’ya.
Sa mga nagmamahal naman kay Kris, dagdagan n’yo pa ang mga panalangin n’yo para sa kanya. Danny Vibas

Comments
Post a Comment